December 6, 2004
Nagpunta kami ng pamilya ko sa Real, Quezon noong Linggo ng gabi, November 29, 2004. (Tagaroon talaga kami. Lumipat lang kami dito sa QC noong 1984.) Doon na kami inabot ng dalawang bagyo, willie at yoyong. Hindi ko kayang ilarawan lahat ng naranasan namin doon. Kalunus-lunos ang naging kalagayan namin doon at ng mga naiwan pa roon hanggang ngayon.
Noong Lunes ng maghapon ay malakas na ulan ang dala ng bagyong willie. Bumaha sa buong bayan ng Real, Infanta at General Nakar. Nasira ang apat na tulay, daan-daang bahay ang lumubog sa baha, giniba ng troso at baha at maraming buhay ang nawala.
Sa loob ng limang araw na inilagi ko doon ay pangkaraniwang tanawin ang maya'tmayang binibitbit na bangkay sa plasa. May 27 na guho sa kabundukan ng Siera Madre bago makarating sa bayan namin.
Libo-libong troso ang nakalutang sa dagat pasipiko ngayon na siyang inanod kasabay ng tubig,putik, bato na mula sa bundok. Parang bangungot! Akala ko ay hindi na titigil ang galit ng Diyos at ng kalikasan.
Kapag nahawan na ang mga guho at putik ay babalik ako doon upang mag-volunteer. Sa ngayon ay limitado ang kayang gawin ng isang babaeng volunteer. Maraming paghuhukay, paghahawan at paghahakot ang kailangang gawin upang makaabot ang relief goods sa mga nasalanta ng bagyo.
Nakauwi lang kami noong Biyernes dahil na-airlift kami. Narescue kami ng isa sa mga presedential choppers.
Ang mga illegal loggers ay mga kriminal! Dapat silang masilya elektrika.